MANILA, Philippines - Nais ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na muling buksan sa Senado ang imbestigasyon sa Mamasapano massacre.
“Why are we dishonoring the memory of the SAF 44?” kuwestiyon ni Cayetano.
Nagpahayag ng pagkabahala si Cayetano sa naging rekomendasyon ng Ombudsman na magsagawa ng preliminary investigation laban sa ilang junior officers at ilang survivors ng operasyon dahil posibleng magdulot umano ito ng “chilling effect” sa buong pamunuan ng pulisya.
Sinabi ni Cayetano na nagulat siya na maging mga junior officers ng Special Action Force ng Philippine National Police ang isasama sa paiimbestigahan.
“Gulat na gulat po ako nang pinaimbestigahan pati ang mga Junior Officers ng SAF. Isipin mo, kung ikaw ay isang police officer, police superintendent, o kaya colonel, kapag hindi ka sumunod sa utos na kunin ang teroristang si Usman o Marwan, kakasuhan ka ng insubordination. Ngayon, sumunod ka pero hindi perfect ang operation, at maraming namatay, pero nahuli ang terorista, kakasuhan ka pa din,” ani Cayetano.
Dagdag pa ng senador, malaki rin ang implikasyon ng inilabas na rekomendasyon ng Omudsman sa nilulutong Bangsamoro Basic Law (BBL) na siyang bubuo naman sa isang rehiyong Bangsamoro.
Paliwanag ni Cayetano, dapat isaisip ng mga mambabatas na sumusuri ngayon sa BBL ang magiging relasyon ng mga pulis mula sa pambansang pamahalaan at ng mga pulis ng rehiyong Bangsamoro.
“Basahin mo ‘yung buong BBL, di mo malalaman kung ano ang relationship ng SAF, CIDG, crime lab, at iba pang support service ng PNP sa administration nila doon. So ano ang sasabihin natin, may safe haven ang mga terorista at mga ilegal sa BBL?” ani Cayetano.
“Hindi ko nakikita na magkakaroon ng tunay na peace at maipapasa namin ‘yung BBL, tapos, in meantime, ni isa walang nakasuhan sa pagpatay doon sa 44. Tapos ‘yung survivors... sila pa nakasuhan ngayon,” dagdag pa niya.
Giit ni Cayetano, buksan muli ang mga pagdinig ng Senado ukol sa insidente sa Mamasapano dahil makakatulong ito nang husto sa pagbuo ng mas malinaw na BBL.
Nitong Miyerkules, inaprubahan ng Ombudsman ang mga kriminal at administratibong imbestigasyon laban kina dating PNP chief Alan Purisima, dating Special Action Force chief Getulio Napeñas at siyam pang pulis kaugnay sa engkuwentro sa Mamasapano.
Kabilang sa “junior officers” na sinasabi ni Cayetano sa panayam ng DZMM ay sina Chief Supt. Noli Taliño, Sr. Supt. Richard dela Rosa, Sr. Supt. Edgar Monsalve, Sr. Supt. Abraham Abayari, Sr. Supt. Raymond Train, Sr. Supt. Michael John Mangahis, Supt. Rey Ariño, at Sr. Insp. Recaredo Marasigan.
Hindi naman kasama sa pinaiimbestigahan ng Ombudsman si Pangulong Aquino sa kabila ng giit ng ilang kritiko sa “command responsibility” ng Pangulo sa insidente.
Paliwanag ni Assistant Ombudsman Asryman Rafanan, hindi kasama si Aquino sa mga naihain na ireklamo kaya hindi na ito pinagtuunan ng pansin masyado ng Ombudsman.