MANILA, Philippines - Gagawin na lang dalawang taon ang paghihintay sa isang taong nawawala bago ito ituring na patay.
Giit ito ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa kanyang Senate Bill 2703.
Sa kasalukuyan, kinakailangan pa munang maghintay ng pitong taon bago ituring na patay ang isang taong nawawala at 10 taon naman bago resolbahin ang isyu ng succession o mana.
Sa panukala ni Santiago, kung ang taong nawala ay 75 taong gulang na, sapat na ang paghihintay ng limang taon para mabuksan ang usapin ng succession.
“Under the Civil Code, Article 390, as a general rule, a person shall be presumed dead for all purposes after an absence of seven years, except for those of succession. For purposes of opening the absentee’s succession, the law requires an absence of ten years. However, if the absentee disappeared after the age of 75, an absence of five years shall be sufficient in order that his succession may be opened,” ani Santiago.
Kabilang sa “exceptional circumstances” upang maituring na patay ang isang taong nawawala sa loob lamang ng apat na taon kung ang sinasakyan nitong barko o eroplano ay nawala; miyembro ito ng armed forces na lumaban sa giyera; at nasa panganib ang kanyang buhay at hindi nakita sa loob ng apat na taon.
Tinukoy ni Santiago na sa isang isyu ng isang pahayagan, sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na ang haba ng panahon na dapat ipaghintay sa ilalim ng Civil Code ay maituturing na “unbearable” para sa mga kaanak ng mga nakaligtas sa bagyong Yolanda.
Ipinunto ni Santigo na kinakailangan pang maghintay ng pitong taon ang libo-libong pamilya para matanggap ang death benefits para sa mga kaanak nilang nawala.
Bagaman at pasok umano sa paragraph 3 ng Article 391 o “exceptional circumstances” ang mga nawawala dahil sa kalamidad, maituturing pa ring mahaba ang apat na taong paghihintay.
Dahil dito, nais ni Santiago na gawin na lamang dalawang taon ang ipaghihintay upang maideklarang patay ang isang taong nawala dahil sa natural disaster o kalamidad. (Malou Escudero)