MANILA, Philippines - Nakaamba ang 4-5 metrong storm surge sa mga baybaying dagat na tatahakin ng Super Typhoon Maysak (international name) habang 24 lalawigan ang apektado at nasa peligro ng malalakas na pag-ulan.
“Yung 4-5 meters mahigit isa’t kalahati storey bldg. mas malaki storm surge ni Yolanda ay aabot na 10 meters mga 3 story yun,” paliwanag ni Rene Paciente, senior forecaster ng PAGASA.
Si Maysak na tatawaging Bagyong Chedeng pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay sinlakas umano ni Super Typhoon Yolanda na tumama sa bansa noong 2013 at kumitil ng maraming buhay at nagwasak ng maraming ari-arian.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na umaabot sa 190 kilometro kada oras at pagbugso ng hangin na umaabot sa 225 kph.
Huwebes inaasahang magtataas ng babala ng bagyo o public storm warning signal ang PAGASA.
Habang papalapit naman sa kalupaan, posibleng sumungit na ang panahon sa kalakhang bahagi ng Northern, Central at Southern Luzon kasama ang Metro Manila sa Sabado.
Linggo inaasahang magla-land fall ang bagyo at babagtasin ang Northern at Central Luzon.
Kabilang sa mga lugar na hahagupitin ang Aurora, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Catanduanes, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cagayan, Kalinga, Isabela, Cavite, Quezon, Albay, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Sorsogon, Albay, Romblon, Camarines Norte, Catanduanes, National Capital Region, Northern Samar at Eastern Samar.
“Ang diameter ng bagyo ay malaki nasa around 600 to 700 km o 300 to 3350 radius malakas ang bagyong ito. Nakikita natin na hindi gaano mag-intensify habang lumalapit sa kalupaan ay may tendency na humina sa paglapit sa coastal area pero dapat pa ring mag-ingat dahilan ang typhoon intensity nito ay malakas pa rin,” sabi naman ni Pagasa officer-in-charge Esperanza Cayanan.
Red alert na
Umpisa kahapon isinailalim na sa red alert status ang lahat ng units ng militar sa mga lugar na tatamaan at tatahakin ng super bagyo.
Nakaalerto na rin ang lahat ng Provincial at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council sa buong bansa katuwang ang AFP, PNP, DSWD, DILG at Local Government Units (LGUs) upang ipatupad ang mass evacuation sa mga lugar na tatahakin o direktang maapektuhan ng bagyo.
Sinabi naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, ito ang kauna-unahang bagyong tumama sa bansa sa panahon ng kuwaresma sa mahabang panahong dekada. Ang bagyo ay ikatlo rin sa taong ito.
Pinayuhan din ni Pama ang mga lokal at dayuhang turista na nasa mga beach resort tulad ng mga nagsa-surfing na gumawa ng mga kinauukulang pagbabago sa kanilang iskedyul at iwasan ang mga lugar na posibleng tamaan ng storm surge para makaiwas sa panganib.
Sinabi ni Pama na mas mabuti na ang nag-iingat kaysa mapahamak lalo na at nasa ‘vacation mode’ ang mga tao ngayong panahon ng kuwaresma na nataon sa pinaghahandaang paghagupit ng super bagyo.