Napoles at asawa idiniin sa tax evasion

MANILA, Philippines – Pinakakasuhan ng tax evasion ng Department of Justice sa Court of Tax Appeals (CTA) sina Janet Lim Napoles at asawa nitong si Jaime matapos na makitaan ng probable cause.

Sa 18-pahinang resolusyon, napatunayan nina Assistant State Prosecutors Stewart Allan Mariano at Mark Roland Estepa na may sapat na ebidensya para kasuhan ang mag-asawa para sa pinagsamang P61.18 milyong tax liability. Si Janet Napoles ay nadadawit din sa anomalya sa Priority Development Assistance Fund.

Sa reklamong inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR), saklaw ng halaga ang taxable years na 2004, 2006, 2008, 2009, 2010, 2011 at 2012. Bukod sa ma­ling impormasyong ibinigay ng mag-asawang Napoles, nabigo rin itong maghain ng income tax returns (ITRs)

Sinabi ng BIR na hindi binigay ng mag-asawang Napoles ang tunay at tamang impormasyon  sa kanilang income tax returns (ITRs) para sa 2004, 2006, 2008, 2009 kung saan hindi naman nagsumite ang mga ito ng kanilang ITR para sa taong 2010, 2011 at 2012.

Pinagbatayan naman ng BIR ang mga buwis na dapat bayaran ng mag-asawang Napoles sa kanilang mga biniling ari-arian kabilang na ang mga bahay, sasakyan at mga investment.

Maging ang anak ni Napoles na si Jeane Napoles ay kinasuhan ng P17.8 million tax evasion case ng DOJ sa Court of Tax Appeals.

Show comments