MANILA, Philippines – Tinawag kahapon ni Sen. Ralph Recto na “best birthday gift” para sa ika-150 taon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang panukalang batas na magiging daan para sa modernisasyon ng ahensiya.
Ayon kay Recto, panahon na para i-upgrade ang mga kagamitan, sahod ng staff at communication at research capabilities ng PAGASA.
Inaasahang pagdedebatihan na sa Senado ang panukala sa pagbabalik ng sesyon sa Mayo.
Ayon kay Recto, dapat lamang na maging moderno na ang PAGASA upang mas epektibo ito sa pagdating ng bagyo sa bansa na dulot ng climate change.
“A key component of climate change preparation is a well-equipped weather bureau, manned by highly-competent and well-compensated professionals,” ani Recto.
Lahat aniya ay mas gugustuhing magkaroon ng isang ahensiya na makakapagbabala sa mga mamamayan ng mga parating na bagyo at mga weather disturbances.
“The idea is to adequately arm PAGASA so it can give us adequate and up-to-date weather information to help us prepare for, and to be protected from, typhoons, floods, landslides, storm surges, El Nino, and extreme climatic events,” ani Recto.
Aaabot sa P3.9 bilyon ang pondong ilalaan para sa kinakailangang equipment at buildings base sa “preliminary shopping list” na isinumite ng PAGASA sa Senado.