Tanggal prangkisa sa PUVs na ayaw magbigay ng discount sa elderly, estudyante at PWDs

MANILA, Philippines - Tatanggalan ng prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga pampasaherong sasakyan na hindi nagbibigay ng 20 percent discount sa mga pasahero nilang mag-aaral, senior citizen at mga taong may kapanansan (PWDS).

Sinabi ni Atty. Veronica Peralta ng LTFRB, batid ng mga passenger vehicle drivers ang batas sa pagkakaloob ng 20 percent discount sa naturang mga indibidwal pero dahil may ilan na ayaw mabawasan ang kita, kinakalimutan na nilang tupdin ang naturang batas.

Ilan lamang sa mga nairereklamong mga passenger vehicle na hindi nagbibigay ng 20 percent discount ay ang halos lahat ng mga AUV Express service vehicles sa  Metro Manila at karatig lalawigan gayundin ang ilang passenger jeepney na may ter­minal sa North Edsa sa QC.

Bunga nito, nanawagan ang LTFRB sa publiko na ireklamo sa ahensiya ang mga nalalamang mga sasakyan na hindi nagkakaloob ng discount sa nabanggit na mga indibidwal upang maparusahan.

Sinumang lalabag ay pagmumultahin din ng mula P1,000 hanggang P5,000 bukod sa kanselasyon sa kanilang franchise. (Angie dela Cruz)

Show comments