MANILA, Philippines - Tinawag na kalokohan kahapon ni Senate Majority floor leader Alan Peter Cayetano ang isinumiteng report ng Moro Islamic Liberation Front tungkol sa Mamasapano massacre.
Ayon kay Cayetano, gobyerno pa ang pinalilitaw na may kasalanan sa nangyaring operasyon na humantong sa pagkakapaslang sa 44 miyembro ng Special Action Force.
Pinuna rin ni Cayetano na ang MILF pa ang may lakas ng loob na magsabing dapat silang magprotesta laban sa PNP-SAF dahil sa umano’y paglabag sa ceasefire.
Iginiit ng MILF sa report na walang pananagutan ang kanilang Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) sa pagkamatay ng SAF 44.
Sa halip, sinisi ng MILF ang PNP-SAF dahil hindi nakipag-ugnayan sa kanila o failure of coordination sa operasyong target ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman.
Matatandaan na si Cayetano ang naglabas ng mga dokumento na nagpapakita na may koneksyon sa terorista ang MILF kaya’t malinaw na kanilang kinanlong at binigyang proteksyon sina Marwan at Usman.
“Makikita niyo po dito sa report na ‘to na panay kalokohan. Siguro naman po panahon na na manindigan ang gobyerno,” ani Cayetano.
“Ang problema lang meron po tayong kasabihan sa Pilipino, ‘Ang tulog madaling gisingin pero ang nagtutulug-tulugan ‘yun ang mahirap gisingin,’” pasaring pa ng senador. (Malou Escudero)