MANILA, Philippines – Nagdesisyon na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na dagdagan ng hanggang signal number 5 ang kasalukuyang signals na hanggang number 4 lamang na ginagamit sa pagbibigay babala sa publiko kapag may kalamidad sa ating bansa.
Ayon sa Pagasa, opisyal nang gagamit ang ahensiya ng hanggang signal number 5 kapag ang bagyo ay isang super typhoon na may lakas ng hangin na lalampas sa 220 kilometro bawat oras.
Halimbawa dito ang bagyong Yolanda na isang super typhoon na may lakas ng hangin na umaabot sa 235 hanggang 275 kilometro bawat oras.
Ayon kay Esperanza Cayanana, hepe ng weather forecasting division ng Pagasa na patuloy naman nilang gagamitin ang public sotrm warning signal hanggang number 4 na na-adopt noong 1997 at na-revised noong 2010.
Signal 1 kapag may lakas ng hanging umaabot sa 30-60 kilometro bawat oras; signal 2, 61-100 kph; signal 3, 101-185 kph at signal 4, mahigit 185 kph.