MANILA, Philippines – Iniiwan na lamang umano ang mga vest, bandoleer, mga bala at baril, ilan dito ay iniabot sa mga sundalo ng nasa 100 Special Action Force (SAF) commandos na tumangging sumama sa reinforcement upang tulungan ang kanilang mga kasamahan na nakikipagbakbakan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ito ang ibinulgar kahapon ni 2nd Lt. Jeymark Mateo, Platoon Leader ng 61st Division Reconnaissance Company ng 6th Infantry Battalion (IB) na sumaklolo upang sagipin ang mga SAF commandos na nakabakbakan ng MILF rebels sa bahagi ng Brgy. Pidsandawan at Brgy. Tukanalipao, Mamasapano.
Si Mateo ang namuno sa rescue operation kung saan nailigtas ng tropa nito ang 17 SAF survivors ng 84th Seaborne Company na masuwerteng hindi nasugatan sa bakbakan, 11 sugatan at 8 naman ang bangkay na nakuha sa encounter site.
Sinabi ni Mateo na nakasalubong nila ang 45th Special Action Company (SAC) may 100 kilometro sa lugar ng bakbakan at isinasama ang mga ito sa reinforcement pero sa mahigit 100 sa mga ito ay 24 lamang ang sumama sa kanilang tropa upang tulungan ang mga nakikipagbakbakang kasamahan ng mga ito sa SAF commandos.
Nasa 120 SAF commandos ang nais paimbestigahan ni Senador Antonio Trillanes na umano’y tumangging magresponde sa nakikipagbakbakang mga SAF commandos .
Sa kabuuang 392 SAF commandos ay mahigit 70 lamang ang pumasok sa teritoryo ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kung saan ang nasa 300 ay nakakalat sa mga highways at hindi umano gumalaw may isang kilometro lamang sa lugar ng bakbakan para saklolohan ang kanilang mga kasamahan.
Sa Oplan Exodus upang hulihin ang international terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan at Pinoy henchman nitong si Abdul Basit Usman ay umaabot sa 44 ang nasawing SAF commandos habang 15 naman ang nasugatan.
Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Defense Secretary Voltaire Gazmin ang ibinulgar ni Trillanes na nilasing umano ng ilang mga opisyal ng SAF sina 45th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Romeo Bautista at Army’s 601st Infantry Brigade Col. Melquiades Feliciano bago ilunsad ang Oplan Exodus noong madaling araw ng Enero 25.
“Inimbitahan sila mag-dinner dun sa South Cotabato,” ani Gazmin kung saan matapos umano ang dinner ay nagkaroon ng konting hapi-hapi at nag-inuman ang mga opisyal.