SUCs dapat magtayo ng dorm, housing sa mahihirap na estudyante, empleyado
MANILA, Philippines - Isinusulong sa Kamara ang panukalang batas na nagtatakda sa mga state universities and colleges (SUCs) na maglaan ng mga dormitoryo at housing sites para sa kanilang mga mahihirap na estudyante at empleyado.
Sa House Bill 5459 o ang SUC Land Use Development And Infrastructure Plan Act of 2015 na inihain ni Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe, itinatakda nito sa SUCs ang paglalaan ng isang programa para sa konstruksyon ng dormitoryo sa mga estudyante at housing sites naman sa mga empleyado.
Layon nito na magamit ang mga lupang nakatiwangwang at mga ari-arian sa paligid ng compound ng SUCs.
Nakasaad sa panukala na ang mga mahihirap na estudyante ng SUCs mula sa remote areas, katabing siyudad at munisipalidad mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay kailangang mapagkalooban ng housing units.
Gayundin ang pamilya ng mga faculty at school staff ng SUCs habang nagsisilbi pa ang mga ito sa kanilang paaralan.
Ito ay upang maibsan ang hirap ng mga estudyante at empleyado sa traffic at iba pang hadlang sa pagpasok sa paaralan.
Ang kalihim naman ng Publics Works and Highways at Commission on Higher Education (CHED) ang gagawa ng rules and regulations para epektibong maipatupad ang panukala sa sandaling maging ganap na batas.
- Latest