MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ng Sandiganbayan ang request ng umano’y “pork barrel queen” na si Janet Napoles na ‘wag nang dumalo sa mga gagawing pagdinig ng Sandiganbayan sa kanyang kasong plunder at graft na may kinalaman sa pork barrel scam.
Sabi ni Napoles masyado ng malaki ang nagagastos sa kanya ng gobyerno sa pagpunta sa Sandiganbayan at pabalik sa Camp Bagong Diwa sa Taguig na umaabot ng P44,000 kada hearing. Nag-execute na rin anya siya ng waiver para sa kanyang appearance dahil siya ay nakakaranas ng physical at mental fatigue at katatapos lamang niyang sumailalim sa medical operation noong April 2014.
Gayunman, niliwanag ng Sandiganbayan na kulang sa merito ang request ni Napoles.
Ayon sa graft court, matindi ang pangangailangan na dumalo si Napoles sa mga pagdinig dahil maituturing na isang heinous crime ang kanyang kaso.
Si Napoles ay nahaharap sa multiple counts ng graft at plunder dahil sa umano’y pakikipag-kutsabahan sa mga mambabatas upang magamit ang kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa mga pekeng NGO nito at tuloy makakomisyon sa kanilang pork barrel.