MANILA, Philippines - Ipaaaresto at ipapa-cite for contempt ng Ombudsman si Makati City Mayor Junjun Binay kung patuloy pa rin itong magmamatigas na huwag sundin ang suspension order ng una laban dito.
Ito ayon sa Ombudsman ay dahil wala pa namang naipalalabas na order ang Court of Appeals (CA) sa giit na TRO ng kampo ni Binay na haharang sa kanilang 6 months suspension order na ipinataw sa alkalde.
Kaugnay nito, sinabi ni Assistant Ombudsman Asryman Rafanan na binigyan nila ng limang araw ang DILG para i-comply ang suspension order laban kay Mayor Binay epektibo noong nagdaang Marso 11, 2015 nang ipalabas ang suspension order.
Anya, makaraan ang limang araw at hindi tatalima sa naturang order ang DILG ay sila na mismo ang magpapatupad ng naturang kautusan.
Mula noong Marso 11 nang ipalabas ang order ng Ombudsman kay Binay ay hindi na umuwi ng kanilang bahay ang huli bagkus ay sa opisina niya siya natutulog kasama ang mga kapamilya at mga supporters na nagkakampo sa may Makati City hall grounds.
Ani Mayor Binay, baka pag umalis siya sa city hall ay wala na siyang babalikan dahil sa nakarating na balita sa kanila na may isusunod pang suspension na ipalalabas sa kanya.
Si Mayor Binay ay sinuspinde ng 6 na buwan upang bigyang daan ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati City hall parking sa lunsod.