MANILA, Philippines - Lumabag sa Chain of Command sina Pangulong Benigno Aquino III, suspendidong PNP Chief P/Director General Alan Purisima at nasibak na si Special Action Force (SAF) Commander P/Director Getulio Napeñas sa pagpapatupad ng Oplan Exodus, isang isinikretong misyon na pumatay sa 44 SAF commandos sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ito ang nabatid kahapon base sa nakuhang dokumento sa tunay na nilalaman ng PNP-Board of Inquiry (BOI) report na pinamumunuan ni P/Director Benjamin Magalong na nag-imbestiga sa kontrobersyal na kaso.
“The Chain of Command was violated by the President, Purisima and Napeñas, they kept the information to themselves and deliberately failed to inform Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina and Interior and Local Government Secretary Mar Roxas,” paglalahad sa report.
Una rito, sinabi ni Magalong na kaya niyang tingnan ng mata sa mata ang pamilya ng SAF commando sa pagsasabing inilahad lamang nila ang tama sa resulta ng imbestigasyon kahit sino pa ang tamaan nito at magreretiro sila sa serbisyo na may integridad, paninindigan at walang dapat ikahiya sa sambayanan.
Ayon sa PNP-BOI report, simula pa lamang ay depektibo na ang Oplan Exodus na sa kabila ng ‘mission impossible’ at kahit kulang sa plano ay inilunsad pa rin ito.
Ang “Mamasapano report” ay umaabot sa 120 pahina at tatlong pahina naman ang executive summary nito.
Sa kabila na suspendido si Purisima ay binigyan ito ng go signal ni PNoy para pamunuan ang Concept of Operations (CONOPS) na iprinisinta dito ni Napeñas.
Ginamit rin umano ni PNoy ang prerogatibo nito na makipag-ugnayan kay Napeñas sa halip na kay Espina na siyang Officer in Charge ng PNP na isang direktang pag-bypass sa umiiral na Chain of Command sa PNP Fundamental Doctrine.
Nilabag din umano ni Purisima ang suspension order ng Ombudsman nang pamunuan at makilahok ito sa pagpaplano at pagpapatupad ng Oplan Exodus upang hulihin ang international terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan at Abdul Basit Usman.
Ang dapat umanong ginawa ni Purisima ay ipinasa nito ang pamumuno sa misyon kay Espina sa halip na mamuno pa rito.
Tinukoy naman dito na naantala ang reinforcement troops ng mga sundalo ng AFP dahilan sa umiiral na ceasefire agreement ng pamahalaan sa MILF kaugnay ng peace talks.
Sinabi rin dito na intelligence information lamang ang partisipasyon ng mga sundalong Amerikano at hindi sumali sa combat operations tulad ng mga espekulasyon.
Tinukoy dito na sinunod ni Napeñas ang ‘Time on Target‘ na ipinag-utos ni Purisima kung saan saka lamang nito ipaalam ang operasyon kapag nasa lugar na sila ng operasyon.
Sinabi dito na nagbigay ng hindi tamang impormasyon si Purisima kay PNoy sa pagpapadala ng text messages na ayon umano sa SAF commanders ay nag-pullout na ang mga SAF commandos at sinuportahan ito ng Mechanized at Artillery ng tropa ng militar.