Katotohanan sa Mamasapano lalantad
MANILA, Philippines - “Katotohanan ang nilalaman ng Mamasapano report!”
Ito ang pinanindigan kahapon ni PNP-Board of Inquiry (BOI) Chairman P/Director Benjamin Magalong kaugnay ng resulta ng imbestigasyon sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 Special Action Force (SAF) commandos noong Enero 25.
“Katotohanan ang hinangad namin sa imbestigasyon, haharap kami sa tao na hindi kami nahihiya,“ pahayag ni Magalong sa minimithing hustisya para sa mga bayaning 44 SAF commandos.
Kahapon, natapos na ang PNP-BOI report at isinumite na ni Magalong ang kopya sa tanggapan ni PNP Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina.
Sinabi ni Magalong na 120 pahina ang PNP-BOI report na may pamagat na “The Mamasapano Report” na limang sets o kabuuang 800 pahina na kanilang pinirmahan. Bukod kay Magalong kabilang pa sa signatory sa nasabing report ang mga miyembro ng PNP-BOI na sina P/Directors Catalino Rodriguez at John Sosito.
Kabilang naman sa bibigyan ng kopya ng report bukod kay Espina ang Department of Justice, Senado, Kamara at Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na siya namang maghahatid ng kopya at mag-uulat kay Pangulong Aquino.
Si Espina ang magsusumite ng report kay Roxas at nakasalalay naman sa Kalihim, ayon pa kay Magalong kung isasapubliko ito.
Inamin naman ni Magalong, kasalukuyan ding Chief ng PNP Criminal Investigation and Detection Group na na-pressure sila ng todo sa “The Mamasapano report” na iginiit pang base sa mga ebidensya at testimonya ang kanilang ulat.
“Kung kami lang ang tatanungin nyo, gusto na naming ilabas (result),” ani Magalong na sinabi pang maari rin naman nila itong ianunsyo pero kailangan pa ng clearance.
Inihayag pa ni Magalong na hindi nakaapekto sa resulta ng kanilang imbestigasyon ang pahayag ni PNoy sa prayer meeting sa Malacañang noong Lunes hinggil sa pagsasabi nitong nabola lamang siya ng sinibak na si P/Director Getulio Napeñas sa Oplan Exodus na naging kapalit ng buhay ng 44 SAF.
Ang Oplan Exodus ay isang isinikretong misyon upang hulihin ang wanted na Jemaah Islamiyah (JI) terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan at Abdul Basit Usman.
Una nang lumitaw na kahit suspendido si dating PNP Chief P/Director Alan Purisima ay ito ang namuno sa operasyon na binasbasan ni Pangulong Aquino.
Ilang beses na ring naantala ang pagsusumite ng Mamasapano report.
Pebrero 26 unang inasahang mailalabas ang report pero naurong ito sa Marso 6. At noong Biyernes, sinabing Lunes ito isusumite pero hindi rin natuloy.
- Latest