MANILA, Philippines – Hinikayat kahapon ni Sen. JV Ejercito si Pangulong Aquino na aminin na ang naging pagkakamali at humingi ng tawad kaugnay sa insidente sa Mamasapano kung saan 44 miyembro ng Special Action Force ang namatay.
Ayon kay Ejercito ang pag-amin ay tatak ng isang mabuting lider katulad ng ginawa ni dating US President Ronald Reagan na humingi ng tawad sa mamamayan ng Amerika dahil sa sekretong pagbebenta ng armas sa Iran 28 taon na ang nakakaraan.
Sinabi rin ni Ejercito na ang pag-amin ng isang lider sa kanyang kasalanan ay hindi maituturing na isang kahinaan.
Naniniwala si Ejercito na magkakaroon lamang ng “closure” at mapapanatag ang kalooban ng mga kamag-anak ng mga namatay na SAF at maging ng mga mamamayan kung aamin sa kanyang kasalanan ang Pangulo.
Ginawa ni Ejerctio ang pahayag isang araw matapos absuweltuhin na naman ng Pangulo ang kanyang sarili at ibunton ang sisi kay SAF ex-Chief Getulio Napeñas.
Ipinaalala ni Ejercito kay Pangulo ang mga kataga ni Reagan sa Iran-Contra Affair scandal ng nag-sorry ito sa mga mamamayan ng Amerika, “First, let me say I take full responsibility for my own actions and for those of my administration. As angry as I may be about activities undertaken without my knowledge, I am still accountable for those activities. As disappointed as I may be in some who served me, I’m still the one who must answer to the American people for this behavior.”
Dagdag ni Ejercito na dapat tularan ng Pangulo ang aksiyon ng mga dating lider na ikinokonsidera ang kanilang sarili na may responsibilidad sa kanilang mga nagiging pagkakamali at desisyon.