MANILA, Philippines – Naalarma na ang grupong Philippine Crusader for Justice (PCJ) dahil sa umano’y patuloy na pagkilos ng kampo ng gobernador ng Bulacan para pigilang matuloy ang recall election na nadesisyunan na ng Commission on Election (Comelec).
Ayon kay Joe Villanueva, convenor ng PCJ na nagsusulong ng hustisya, nakababahala ang umano’y paggamit ng Lingkod Lingap sa Nayon at mga barangay health workers para pagbantaan ang mga residenteng benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer program na ititigil ang pagtanggap nila ng ayuda kung hindi babawiin ang pagpirma nila sa recall petition.
Bunga nito, hinamon ni Villanueva si Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado na tanggapin ang desisyon ng Comelec at harapin ang 319,707 registered voters at lehitimong residente ng lalawigan na pumirma sa petisyon.
Kaugnay nito, pinagtakhan naman ng PCJ kung anong basehan ng inilabas na temporary restraining order ni Malolos City RTC branch 83 Judge Guillermo Agloro kahapon na pansamantalang pumipigil sa pag-usad ng proseso ng Comelec para sa gaganaping recall election.
Giit ni Villanueva, “lutong macau” at malinaw umano na pagbalewala ito sa inilabas na desisyon ng Supreme Court noong February 16, na nagbabasura sa kahalintulad na petisyon na inihain ng kampo ni Alvarado.
Dahil dito umaasa ang PCJ at mga residente ng Bulacan na makakakuha sila ng hustisya sa pag-upo ng bagong provincial election supervisor sa katauhan ni Atty. Jervie Cortez na hindi nito ipatutupad ang TRO sa darating na araw ng Lunes.