MANILA, Philippines – Nililihis umano ng mga kalaban sa pulitika nina Vice President Jejomar at Makati Mayor Junjun Binay ang Office of the Ombudsman sa pagsasabing pinakakasuhan na ang mag-ama gayung wala pang naisasampang kaso.
Kaugnay ito ng umano’y iregularidad sa procurement at awarding ng kontrata sa pagpapagawa ng Building 2 ng Makati City Hall.
Sabi ni Joey Salgado, hepe ng media bureau ng Office of the Vice President, ang press release ng Ombudsman ay walang ingat o gusto lang lumikha ng impresyon na isinampa ang isang kaso na hindi naman ganito ang nangyari.
Ang ginawa ng Ombudsman special panel, ayon kay Salgado, ay pasimulan ang preliminary investigation nito sa mga alegasyon na ibig sabihin ay lahat ng partido ay aatasang magsumite ng kanilang formal comment. Wala anya itong kaibahan sa isang preliminary investigation na isinasagawa ng prosecutor’s office.
Sinabi naman ni Vice Presidential Spokesperson for Political Affairs Rico Quicho na wala pa silang natatanggap na kopya ng rekomendasyon ng special panel ng Ombudsman.
Idiniin ni Quicho na walang basihan ang anumang ibinibintang kay VP Binay at tiwalang mababasura sa isang patas at parehas na hukuman ang reklamo.
Nauna rito, napaulat na isinampa na ng Office of the Ombudsman - Special Panel of Investigators ang kasong graft and corruption laban sa mag-amang Binay at 22 pang katao na kunektado sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2.