MANILA, Philippines - Bunga ng naging pagbaba ng halaga ng mga produktong petrolyo, ibinalik ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang flagdown rate sa mga taxi units nationwide sa P30 mula P40.
Inanunsyo ni LTFRB Chairman Winston Ginez na ang bawas pasahe sa taxi ay epektibo sa darating na Lunes, March 9 at ang aksiyon ay batay na rin sa naisampang fare rollback petition ni Negros Rep. Manuel Iway bunga ng oil price rollback kamakailan.
Mananatili namang nasa P3.50 ang per 300 meters na takbo ng taxi.
Sakop din ng kautusan ang mga airport taxi na mula P70 ay bababa sa P60 ang flag down rate.
Nilinaw naman ng LTFRB na sa ipatutupad na bawas sa flag down rate, wala nang calibration na gagawin sa mga metro ng taxi. Maglalagay na lang ng notice na P30 ang flag down sa regular na taxi at P60 sa airport taxi.
Nilinaw nito na wala nang ipalalabas na anunsiyo ang LTFRB hinggil dito kundi ang ilalabas na balita dito ng mga media na nagko-cover sa ahensiya.
Sa pagbaba naman ng pasahe sa taxi ay hindi nila pakikialaman ang posible ring pagbaba ng boundary ng mga driver dahil usapin na ito ng management ng kumpanya ng taxi.
Kaugnay nito, nagbaba rin ang LTFRB ng pasahe sa mga pampasaherong sasakyan sa Region 8 sa Eastern Visayas partikular sa Samar at Leyte.
Patuloy pa nilang pinag-aaralan ang rollback petition ni Iway sa pasahe sa mga ordinary bus at AUVs sa Metro Manila at ibang lalawigan sa bansa.
Samantla pumalag naman ang mga taxi operators sa P10 bawas pasahe ng LTFRB.
Ayon QC Councilor Bong Suntay, presidente ng Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA), ang P30 flag-down rate ay hindi katanggap-tanggap dahil ito ay rate pa noong 2004.
Sabi ni Suntay, lubhang maaapektuhan dito ang mga driver dahil magreresulta ito ng bawas P350 kita sa kada araw ng isang driver bukod pa sa nawawalang kita sa araw-araw na pamamasada dahil sa matinding traffic sa Metro Manila.
Takdang magsampa ng motion for reconsideration sa LTFRB ang PNTOA.