MANILA, Philippines - Sumuko na sa tanggapan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-National (CIDG) sa Camp Crame si dating Association of Philippines Electric Cooperatives (APEC) Partylist Rep. Edgar Valdez na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.
Ayon kay PNP-CIDG spokesperson Chief Insp. Elizabeth Jasmin, mismong kay CIDG Chief Police Director Benjamin Magalong sumuko nitong Martes ng gabi si Valdez kaugnay ng ipinalabas na warrant of arrest laban dito ng 5th Division Sandiganbayan.
Si Valdez ay nahaharap sa 7 counts ng paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act (RA 3091).
Sinabi naman ni Magalong na si Valdez ay inakusahang nagbulsa ng aabot sa P57.7 M na kickback mula sa mga ghost project na pinondohan sa pamamagitan ng congressional Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel mula 2004 hanggang 2010.
Bilang pagsunod sa standard operating procedure agad na kinunan ng mugshot, fingerprint at isinailalim sa medical/ physical examination si Valdez.
Bukod kay Valdez ay sinampahan din ng kasong plunder at graft sina dating Benguet Rep. Samuel Dangwa, dating Agusan del Sur Rep. Rodolfo Plaza, dating Cagayan de Oro Rep. Constantino Jaraula at dating Masbate Gov. Rizalina Seachon-Lanete na nauna nang sumuko sa PNP-CIDG chief. (Joy Cantos)