MANILA, Philippines - Aprub na kaagad sa committee level ng Senado ang panukalang bumuo ng “Mamasapano Truth Commission” upang imbestigahan ang nangyaring operasyon ng PNP-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Tanging sina Senators TG Guingona at Koko Pimentel lamang ang dumalo at nag-apruba sa panukalang batas sa joint hearing ng Senate committees on public order, peace, unification and reconciliation at finance.
Naniniwala si Guingona na ang Mamasapano Truth Commission ang magtutugma sa resulta ng mga imbestigasyong isinagawa tungkol sa nasabing kontrobersiyal na operasyon kung saan 44 SAF ang namatay.
“Ang daming nag-iimbestiga ngayon and I’m sure maraming mga findings sa kanila. At saka I’m sure hindi lahat magkatugma so dapat merong isang reconciling body na magtutuguma ng lahat,” pahayag ni Guingona.
Nakasaad sa panukala na si Pangulong Aquino ang magtatalaga ng mga miyembro ng Truth Commission.
Kamakalawa ay tinapos na ng komite ni Sen. Grace Poe ang pagdinig tungkol sa insidente sa Mamasapano. Limang beses na nagsagawa ng pagdinig ang komite bukod pa sa limang beses na executive sessions. (Malou Escudero)