MANILA, Philippines – Tumangging magpasok ng plea si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton matapos itong basahan kahapon ng umaga kaugnay sa kasong murder sa pagpatay sa Pinoy transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Dahil dito si Judge Roline Ginez–Jabalde ng Regional Trial Court (RTC) Branch 74 na ang nagpasok ng not guilty plea para kay Pemberton.
Bago magsimula ang pagbasa ng sakdal ay dumating dakong alas -5 ng umaga kahapon si Pemberton sa Olongapo City Hall of Justice na bantay sarado sa US security escort nito.
Ang akusado ay nakapiit sa Joint United States Military Assistance Group (JUSMAG), ang US facility sa loob ng Camp Aguinaldo.
Sinabi ni Olongapo City Chief Prosecutor Emilie Fe de los Santos na itinakda muli ang pre-trial sa kaso ni Pemberton sa darating na Biyernes at dito’y pinahihintulutan ang magkabilang partido na magprisinta ng kanilang mga testigo.
Si Pemberton ay kinasuhan ng murder noong Disyembre 15, 2014 kaugnay ng pagpatay kay Laude na natagpuan ang bangkay na nakasubsob sa inidoro sa Celzone Lodge sa Olongapo City noong Oktubre 12 ng madaling araw o ilang oras matapos itong brutal na paslangin.
Matapos basahan ng sakdal ay agad na umalis si Pemberton sa court room at sumakay sa convoy ng mga behikulo kasama ang mga US security escort nito pabalik sa kaniyang detention facility sa Camp Aguinaldo.
Magugunita na noong Enero 27, 2015 ay ibinasura ng Department of Justice ang inihaing ‘motion for reconsideration’ ng kampo ni Pemberton na kinuwestyon ang kasong murder na isinampa laban dito sa Olongapo City Regional Trial Court (RTC).
Samantalang may isang taon naman ang korte ng Pilipinas para resolbahin ang kaso ni Pemberton alinsunod sa umiiral na Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng pamahalaan at ng Estados Unidos.