FORT DEL PILAR, BAGUIO City, Philippines – Malabo na umanong maibalik pa ang 48 pang mga armas ng Special Action Force (SAF) commandos matapos ang madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao.
“I’m not confident na maisosoli pa, kasi yung mga high-powered, yung malalaki, nasa BIFF eh”, ayon kay Brig. Gen. Carlito Galvez, chairman ng Coordinating Committee on Cessation of Hostilities (CCCH).
Sabi ni Galvez, ipinarating sa kanila ng MILF Central Committee na ang nasa 48 pang mga armas ng SAF ay hawak ng BIFF at ng Private Armed Groups (PAGS ) sa Maguindanao.
Una nang isinoli ng MILF ang nasa 16 mga armas at kaputol na dulo ng baril pero ayon sa mga opisyal ng PNP ay tsinap-chop na ito matapos tanggalan ng high tech gadgets, kunin ang mga piyesa at palitan ng luma.
Nauna na ring inihayag ng BIFF na 10 lamang sa mga armas ng SAF ang kanilang hawak na hindi nila isosoli ng walang rematch dahil tulad umano ng boxing ay knockout na ang naturang elite forces.
Sinabi rin ni Galvez na nakatatanggap din sila ng mga ulat na ilang dayuhan ang umaayuda sa BIFF tulad ng mga teroristang Indonesian, Malaysian at Singaporean.
Bagamat kanila pang kinukumpirma, sinabi ng opisyal na base sa kanilang impormasyon ay aktibong tumutulong ang nasabing mga dayuhan sa pagsasanay sa BIFF ng military tactics, partikular na ang paggawa ng improvised explosive device.