MANILA, Philippines – “Hindi pala sinasabi ng Pangulo ang buong katotohanan tungkol sa Mamasapano?”
Ito ang kinukuwestyon kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) interim President Toby Tiangco kaugnay ng pahayag kamakalawa ni Communications Secretary Sonny Coloma na sasabihin ni Pangulong Aquino ang katotohanan sa tamang panahon.
“Isa itong direktang pagtatapat na hindi sinasabi ni PNoy ang katotohanan hinggil sa insidente sa Mamasapano sa dalawa niyang talumpati.
Walang tinatawag na katotohanan sa tamang panahon. Kailangang sabihin ngayon ang katotohanan,” sabi ni Tiangco.
Idinagdag ni Tiangco na ang unang bagay na dapat sabihin ng Pangulo ay ang buong katotohanan hinggil sa insidente. “Isang kasinungalingan ang kalahating katotohanan. Utang niya ang katotohanan sa pamilya ng 44 at sa buong bansa.”
Sa susunod na linggo anya, isang buwan na ang nakaraan mula nang mamasaker ang 44 miyembro ng PNP-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.
Nakakalungkot anya na wala pang pagkilos sa paghahanap ng katotohanan, kung sino ang dapat managot at ng katarungan. Ngayon, inaamin ng Malacañang na hindi matapat ang Pangulo hinggil sa kanyang nalalaman.
Pinuna ni Tiangco na nagbunga lang ng marami pang tanong sa halip na kasagutan ang imbestigasyon ng Kongreso.
“Para sa mga karaniwang tagamasid sa imbestigasyon ng Kongreso, parang ang ilang makaadministrasyong mambabatas ay itinutulak lang ng political partisanship at personal na ambisyon kaysa ng paghahanap ng katotohanan at hustisya,” sabi pa ni Tiangco.