SAF survivors bigyan din ng Medal of Valor

Mga miyembro ng PNP-SAF

MANILA, Philippines - Bukod sa Fallen 44, inirekomenda kahapon ni Sen. Bam Aquino na bigyan din ng Medal of Valor ang Special Action Force (SAF) officers at iba pang tauhan na nakaligtas sa Mamasapano encounter.

Sa kanyang Senate Resolution No. 1180, sinabi ni Aquino na 31 SAF officers ang nasugatan sa bakbakan noong Enero 25 laban sa MILF at BIFF.

Bukod dito, isang miyembro ng 55th SAF Company at 30 miyembro ng Seaborne Unit ng 84th SAF ang nasugatan sa palitan ng putok.

“Ang pagkamatay ng PNP-SAF officers at lahat ng nasugatan sa operasyon ay magsilbi sanang patuloy na paalala na ang layunin ng pamahalaan ay protektahan ang taumbayan,” pahayag ni Aquino.

Pero nalagasan ang SAF ng 44 tauhan sa nasabing operasyon na nagresulta sa kamatayan ni international terrorist Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

Sinabi ni Aquino ang sakripisyo ng kapulisan sa pagtupad sa kanilang tungkulin ay nararapat lang na tapatan ng Medal of Valor, kasama na ang mga benepisyo na kasama nito sa ilalim ng Republic Act No. 9049.

Matatandaan na naghain si Aquino ng resolusyon na naglalayong bigyan ng posthumous Medal of Valor ang 44 SAF officers sa kanilang pambihirang katapa­ngan at kabayanihan.

 Ang mga nabiyuda o di kaya’y iba pang umaasa sa awardee ay mabibigyan ng habambuhay na monthly gratuity at puwedeng maging empleyado ng National Government Agencies (NGAs) o Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) sa pamamagitan ng Medal of Valor.

Show comments