MANILA, Philippines - Ibinunyag ni Magdalo partylist Rep. Gary Alejano na hindi bababa sa limang grupo ang nasa negosyo ng pagluluto ng kudeta sa bansa sa tuwing may disgusto ang taumbayan sa gobyerno.
Tumanggi namang magbigay ng pangalan at grupo si Alejano o kung nasa loob ng militar o kung grupong sibilyan ang nasa likod ng ganitong negosyo.
Paliwanag ng kongresista, talagang negosyo at fund raising na ang pagpapakulo ng kudeta at may kumikita rito dahil tiyak na mayroong nagbubulsa ng pera.
Bukod dito may mga grupo din umano na nag-oorganisa at magsasabing malaki ang kanilang puwersa habang may grupo naman na mag-aalok na magdadala ng tao at may kanya-kanya na rin breakdown ng kanilang pondo ang mga ito o quotation para sa gastos sa kanilang mobilisasyon.
May mga financier naman umanong sumasakay sa ganito subalit karaniwan walang naidedeliver ang mga nagluluto ng kudeta kaya naibubulsa lamang umano ang pera.
Giit ni Alejano, hindi dapat binabalewala ng gobyerno ang mga ganitong impormasyon.
Matatandaan na kasama rin ang mambabatas sa mga rebeldeng sundalo na bumuo ng Magdalo group na naglunsad ng mutiny sa Oakwood noong 2003.
Sa kabila nito nilinaw naman ni Alejano na walang lumalapit sa Magdalo para kalabanin ang gobyerno.