MANILA, Philippines – Pinagkalooban ng Makati City government kahapon ng P100,000 cash gift ang ikaanim na grupo ng mga centenarian sa tanggapan ng alkalde sa Makati City hall.
Pinangunahan ni Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay ang awarding ceremony para sa tatlong centenarian na pawang mga babae, biyuda at ipinanganak noong 1914. Natunton sila sa iba’t-ibang barangay at natuklasang kuwalipikado para sa naturang special incentive.
Sa pagsisikap ng Makati Social Welfare Department (MSWD) at ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), ang mga benepisyaryo ay natagpuan at nakilalang sina Paz D. Garcia ng Barangay La Paz, 100 years old; Irene R. Carrillo ng Brgy. Valenzuela, 100; at Rizalina B. Cardenas ng Brgy. Dasmariñas, 100.
Si Garcia ay ipinanganak noong Oktubre 20,1914. Anim ang anak nila ng asawa niyang si Aurelio Garcia (deceased). Isang mananahi si Garcia. Nang pumanaw ang mister niya noong 1958, nagtrabaho siya sa isang pabrika ng tela sa Binondo. Napalaki at napag-aral niya ang kanyang mga anak. Sa kasalukuyan, inaalagaan siya ng kanyang mga anak na babae na sina Aida, Felicitas, Aurora at Araceli.
Ipinanganak naman si Carillo sa Maragondon, Cavite City noong Oktubre 18, 1914. Ikinasal siya kay Dr. Jose Carillo (deceased). Nabiyayaan sila ng apat na anak na sina Tomasita (deceased), Jane, Dolly at Mila. Isang lisensiyadong pharmacist si Carillo noong panahon ng kabataan niya. Sa edad niya sa kasalukuyan, nakakapagbasa pa siya ng pahayagan araw-araw, palakad-lakad sa loob ng bahay, nanonood ng telenobela at araw-araw na nagdadasal.
Ipinanganak naman si Cardenas sa Bangar, La Union noong Disyembre 30, 1914. Ikinasal siya kay Dr. Maximo Cardenas (deceased) noong Disyembre 21, 1936 at nagkaroon ng tatlong anak na sina Rosario, Michael at Ramon. Nagtapos si Cardenas ng Bachelor’s degree in Commerce noong 1936. Namatay ang asawa niya noong World War II habang nagsisilbi sa Medical Corps ng USAFE. Sa sipag, malakas na pananampalataya sa Diyos at sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan, napalaki niya at napag-aral ang kanyang mga anak. Nagretiro siya bilang Regional Director ng tinatawag ngayong National Food Authority (Region 1).