MANILA, Philippines – Gagamitin umano ng isang malaking grupo ang mga drug pusher sa pagsira sa mga opisyal ng Pasay City at sa ilang mga nagbabalak kumandidato sa darating na halalan sa 2016.
Ito ang ibinunyag ng ilang Pasay City Hall insiders kasabay ng babala na sinimulan na ang naturang plano sa buong lungsod.
Nabatid, idadawit ang mga target nilang opisyal na nagbabalak kumandidato sa pagbebenta ng illegal na droga sa lungsod.
“Kung hindi bilang protektor ay bilang financier ng mga pusher ang ikakalat ng grupo laban sa kanilang mga target. Mga kilala o nakakulong nang drug pusher ang gagamtin sa naturang plano,” ayon sa mga insider.
“Kung nakakulong na ang pusher, lalapitan ito at aalukin ng tulong para makalaya kahit pansamantala at malaking halaga kapalit ng pagtuturo nito sa isang opisyal o nagpahayag na ng kandidatura bilang protector o financier.
“Kung hindi pa nakakulong ang pusher, ipahuhuli ito at tatakuting papatayin o agad na kakasuhan at ikukulong kapag hindi nito ituturo ang kanilang target bilang protector o financier,” wika pa ng insider.
Nagsimula na umanong gumala ang mga galamay ng grupo upang magtanong-tanong sa mga barangay tungkol sa mga kilala o pinaghihinalaang pusher sa lugar.
“Kaya’t kung may impormasyong maibibigay ang sinuman tungkol sa illegal na droga o pusher, ipasa lamang ninyo ito sa mga taong personal ninyong kilala at subok nang mapagkatiwalaan o sa mga ahensya ng gobyerno na may mandato na manghuli ng mga drug pusher,” wika pa nito.