MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang pagbibigay ng “advice” ng nagbitiw na Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima sa kabila ng kanyang suspensyon.
"You're under preventive suspension and yet you were still dipping your finger in the pie. You were participating at none of your business at that time," wika ni Santiago kay Purisima.
Muling iginiit ni Purisima na payo ang kanyang ibinigay at hindi kautusan.
"Don't quibble with me... 'I only advised, I did not order.' Really?" dagdag ni Santiago.
Sinabi pa ng senador na magiging iba sana ang resulta ng operasyon ng Special Action Force sa Mamasapano kung hindi nangialam si Purisima.
"Kung hindi ka sana nakisali doon baka buhay pa sila," pahayag pa ni Santiago sa pulis.
Dumepensa naman si Purisima at sinabing inaaako niya ang responsibilidad sa pagkasawi ng 44 miyembro ng SAF.
"I am held accountable of the operation that's why I resigned, your honor," sagot ni Purisima kay Santiago.
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na maaaring mapanagot si Purisima kapag napatunayang nagbigay siya ng kautusan sa kabila ng suspensyon.