MANILA, Philippines – Iitinanggi kahapon sa pagdinig sa Senado ang mga alegasyon na may kasamang mga sundalong Amerikano ang PNP-Special Action Force ng lumusob sa Mamasapano, Maguindanao.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig kahapon, itinanggi ni dating PNP-SAF Director Getulio Napeñas na tinulungan sila ng US forces sa ginawang operasyon sa Mamasapano kung saan 44 nilang miyembro ang napatay.
Pero inamin nito na humingi siya ng tulong sa puwersa ng Amerika na naka-base sa Zamboanga sa paglilikas ng mga sugatang miyembro ng SAF.
“We were receiving reports na may mga casualties… I took the initiative na humingi ng tulong dun sa US forces based do’n sa Zambanonga to provide us medical evacuation using their helicopter,” ani Napeñas.
Isinangkalan ni Napenas ang ongoing na military exercise ng Pilipinas at Amerika sa paghingi ng tulong sa puwersa ng Amerikano.
Tinanong naman ni Senate President Franklin Drilon kung alam ng FBI ang operasyon bago isagawa ang paglusob sa Mamasapano.
Pero ayon kay Napenas hindi niya alam kung alam ng FBI ang gagawin nilang operasyon.
Samantala, inamin naman ni AFP chief General Gregorio Catapang Jr. na nakatanggap sila ng impormasyon na kinukupkop ng MILF ang napatay na teroristang si Zulkifli bin Hir alias Marwan at Basit Usman.
Ang dalawang terorista ang target ng operasyon ng SAF sa Mamasapano.