MANILA, Philippines – Nag-iimpake na ng kaniyang mga kagamitan ang sinuspindeng PNP Chief na si P/Director Gen. Alan Purisima sa White House sa Camp Crame.
Ito’y ilang araw matapos na ianunsyo ni Pangulong Aquino na tinanggap na niya ang pagbibitiw sa puwesto ni Purisima.
Nagbitiw si Purisima kasunod ng kontrobersya na ibinulgar ng sinibak na si Special Action Force (SAF) Director Getulio Napeñas na ito ang nag-utos at pinanggalingan ng ‘intelligence package’ sa Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 SAF commandos sa Mamasapano.
Ayon sa isang PNP official na tumangging magpabanggit ng pangalan, sinimulan na ni Purisima ang paghahakot ng mga kasangkapan nito sa White House, ang official residence ng PNP Chief sa Crame.
Isang close van ang nagpapabalik-balik sa White House umpisa pa nitong linggo.
Lumilitaw sa imbestigasyon na si Purisima ang nasa likod ng Oplan Exodus, isang secret mission upang arestuhin si Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkifli bin Hir alyas Marwan at Abdulbasit Usman na nagtago sa balwarte ng MILF.
Hindi naman masagot ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo kung hanggang kailan mananatili sa White House si Purisima o kung kailan ito aalis.
Si Purisima ay sinuspinde ng Ombudsman ng anim na buwan dahil sa kontrobersiyal na P100 M kontrata sa Werfast Documentary Agency, isang courier service na nagde-deliver ng mga lisensya ng armas sa mga gun holders.