MANILA, Philippines - Nasa bansa para sa 3-araw na state visit si Indonesian President Joko Widodo sa paanyaya ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Sec. Sonny Coloma, kahapon dumating si President Widodo at tatagal ang state visit nito sa Pilipinas hanggang sa Pebreo 10.
“Ito ang kauna-unahang pagbisita ni Pangulong Widodo sa bansa simula nang siya ay mahalal noong ika-20 ng Oktubre 2014,” sabi ni Coloma sa Radyo ng Bayan.
Bago nagtungo sa Pilipinas ay dumalaw muna ito sa Malaysia at Brunei bilang bahagi ng pagpapakita ng pakikiisa at pakikipagbuklod sa kapwa mga lider sa bansang kasapi ng ASEAN.
Makikipagpulong si Widodo kay PNoy upang talakayin ang mga usaping may mutual concern, kabilang na ang mga isyu tungkol sa mga manggagawa sa ibang bayan (migrant workers), pagtutulungan sa paglalayag (maritime cooperation), tanggulan (defense), kalakalan at pamumuhunan (trade and investment), people-to-people exchanges at iba pa.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, pag-uusapan ng 2 lider ang kampanya laban sa drug trafficking pero hindi binanggit kung mapag-uusapan ang hinggil sa Pinay na nakatakdang bitayin sa Indonesia dahil sa drug case.