MANILA, Philippines – Dalawang taon matapos ideklarang pugante, handa nang sumuko anumang oras si retired Col. Cezar Mancao na akusado sa pagpatay kina PR man Salvador “Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong 2000.
Kahapon ay humarap sa media si Mancao na hindi halos nakilala dahil nagpahaba ng buhok, may balbas at bigote.
Taong 2013 nang tumakas si Mancao sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan siya ipiniit bago sana ilipat sa Manila City Jail.
“I think it’s about time [to surrender]; I was enlightened during the Pope’s visit,” sabi ni Mancao sa panayam.
Aniya, gusto na niyang makapiling ang kanyang asawa’t anak.
Ayon dito, ayaw niyang matulad sa teroristang si Marwan na namatay na nagtatago. Ang tinutukoy nito ay ang operasyon ng Special Action Force (SAF) commandos sa Mamasapano, Maguindanao.
Humingi rin ng tawad si Mancao kina dating senador Panfilo Lacson at dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada sa pagdawit sa kanila sa Dacer-Corbito double murder.
“Humihingi ako ng tawad sa aking mga idinamay na hindi dapat kasama sa kaso, lalo na kay senador Lacson,” wika ni Mancao.
“Sinira ko ang pangalan at reputasyon ni senador Lacson at binigyan ko siya ng pahirap. Kaya nararapat lang akong humingi ng tawad,” dagdag pa niya.
Nagtrabaho si Mancao para kay Lacson nang ito’y PNP chief at pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
Inabsuwelto na si Lacson ng Court of Appeals sa double-murder case. Kinatigan naman ng Supreme Court ang naging pasya ng CA.
“Sa kaso ni dating pangulong Estrada, hindi naman siya talaga kasama sa kaso ngunit pakiramdam ko ay nasaktan ko siya,” wika ni Mancao, na nagtrabaho rin sa ilalim ni Estrada sa Presidential Anti-Crime Commission.
Humingi rin ito ng tawad kay Justice Sec. Leila de Lima.
Ibinunyag ni Mancao na pinilit lang siya ng nakaraang administrasyon na idiin sina Lacson at Estrada ngunit hindi niya binanggit kung sino.