MANILA, Philippines — Habang natapos na ang termino kahapon ni Commission on Audit (COA) Chair Grace Pulido-Tan, naiwan namang nakabinbin ang mga audit reports sa mga kontrobersyal na programa at proyekto ng gobyerno.
"Today, I bid farewell and thank each and everyone of you for a most fulfilling and memorable chapter of my life," pahayag ni Tan sa flag ceremony.
Tiniyak naman ni Tan na ipagpapatuloy ng COA ang special audit reports sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) at Priority Development Assistance Funds (PDAF) mula 2010 hanggang 2013.
Ipinagmalaki niya ang pagbabagong naganap sa COA nang siya ay maupo.
"Nakita at nadama ng bayan ang isang tunay na malayang Commission on Audit; hindi tumitiklop o natitinag sa mga batikos at pananakot; hindi nasisilaw sa salapi at posisyon; hindi nangingiming humarap kaninuman, tanging sandal ang katotohanan at walang pagiimbot na pagsilbi sa bayan," pagmamalaki ni Pulido-Tan.
“Pinutol natin ang kultura ng political patronage, pakikisama at utang na loob for self-aggrandizement,” dagdag niya.
Pinuri rin ng dating pinuno ng COA ang nagawa ng opisina sa kabila ng maliit na budget.
"We pretty much relied on our human resources and talent pool, and worked within the constraints of our budget. We saw that if we work as a team, give the tasks our time and attention they require, and transcend our personal interests for the common and larger goals, we can overcome the impediments to efficiency, effectiveness and excellence," pagpapatuloy ni Pulido-Tan.
Ilan sa mga pumutok na isyu matapos ang imbestigasyon ng COA ang PDAF, Malampaya fund at DAP.