MANILA, Philippines - Nagpakita ng pagkadismaya at sama ng loob ang mga pamilya ng nasawing Special Action Force (SAF) men kay Pangulong Aquino sa necrological service kahapon sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Isa-isang nilapitan ng Pangulo na nakasuot ng itim na armband ang labi ng 42 SAF na nakaburol sa multi-purpose hall sa Camp Bagong Diwa. Matapos magdasal ay inabot nito ang medalya ng kagitingan at plake sa mga naulila ng mga bayaning pulis.
Subalit, marami sa mga pamilya ng mga nasawing SAF ay iniwasan at hindi tiningnan ang Pangulo na pahiwatig umano ng kanilang hinanakit. Magugunita na hindi dumalo si PNoy sa arrival honors ng mga SAF men nang dumating ang mga labi sa Villamor Airbase kamakalawa bagkus ay nagtungo sa inagurasyon ng isang planta ng sasakyan sa Laguna.
Kapansin-pansin din na ilan sa biyuda ng SAF ay tumangging kunin mula kay PNoy ang inaabot nitong medalya ng kagitingan kaya ibinigay na lamang ito ng Pangulo sa magulang ng yumao.
Sa mensahe ng pakikiramay ng Pangulo sa necrological service para sa tinaguriang fallen 44 ng SAF, sinabi nito na batid niyang nagbago ang mundo ng mga naulila sa pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay dahil mananatili na lamang pangarap ang kanilang mga binuong pangarap at hindi na matutupad sa pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.
Ayon sa Pangulo, siya rin ay nawalan ng mahal sa buhay ng paslangin ang kanyang ama na si dating Sen. Ninoy Aquino Jr.
Wika pa ng Pangulo, kung ang kanilang (SAF 44) pagkasawi ay maging sanhi ng kapayapaan na ating inaasam, masasabi nating hindi nabalewala ang kanilang sakripisyo.
“Hindi natin pababayaang mauwi sa wala ang pag-aalay ng buhay ng ating mga bayaning pulis. Nagpapasalamat tayo sa kadakilaan ng kanilang sakripisyo. Nakikiramay tayo sa bawat pamilyang nawalan ng mahal sa buhay,” sabi pa ng Pangulo.
Aniya, malaki ang utang na loob ng sambayanan sa ginawang sakripisyo ng 44 elite force na inalay ang kanilang buhay.
“Bayani ang asawa, kapatid o anak ninyong dinadakila natin sa araw na ito. Malaki ang utang na loob ng sambayanan sa kanila,” sambit pa ng Pangulo.
Pero maraming pulis at SAF ang nakapansin na walang ginawang pagkondena ang Pangulo sa patraydor na pagpaslang sa kanilang mga kasamahan na magsisilbi sana ng arrest warrant laban kay Marwan at Usman noong Linggo kundi tiniyak lamang nito sa mga naulila ng mga pulis na mahuhuli daw si Usman na isang bomb expert na kabilang sa target ng ‘Oplan Wolverine’.
Ilang SAF members na naroon din necrological service ang nadismaya sa mensahe ng Pangulo.