Bail petition nina Razon, Barias posibleng ilabas ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines – Anumang araw mula ngayon ay inaasahang maglalabas na ng desisyon ang Sandiganbayan sa hirit na makapagpiyansa sina dating PNP chief retired Gen. Avelino Sonny Razon Jr. at Gen. Geary Barias, dating director for controllership ng PNP.
Ayon kay Atty. Jeoffre Gil Zapata ang executive clerk of court ng Sandiganbayan 4th Division, submitted for resolution na noon pang huling linggo ng Oktubre ng nakaraang taon ang bail petition ng dalawang opisyal.
Sinabi ni Atty. Zapata na kalimitang sa loob ng 90-araw kailangang maglabas ng desisyon ang mga mahistrado.
Pero nilinaw ni Atty. Zapata na kailangan unanimous ang desisyon ng tatlong justices dahil kapag hindi ay kailangang bumuo ng court of five kung saan lima na ang aatasang maglabas ng desisyon.
Matatandaang si Razon at Barias ay idinadawit sa umano’y multi-milyong pisong ghost repair ng mga V-150 light armored vehicle ng PNP noong 2007.
Naniniwala ang kampo ng mga dating heneral na papayagan silang makapagpiyansa ng Sandigan dahil walang nakitang matibay na ebidensiyang magsasangkot sa kanila sa katiwalian.
- Latest