MANILA, Philippines – Bilang protesta sa pagmasaker sa 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation (MILF), ikinokonsidera na ng 4,000 puwersa ng Philippine National Police Academy Alumni Association Inc. (PNPAAAI) na mag-mass leave.
Ayon kay ret. P/Chief Supt. Thomas Rentoy III, chairman ng PNPAAAI, anim sa mga nasawi ay miyembro ng kanilang samahan.
“We are thinking of asking our alumni members to stand down and go on vacation leave for five days while we are in mourning. We have already sent communication to our alumni graduates who are dispersed all over the country to wait for our instructions regarding this,” pahayag ni Rentoy.
Kabilang sa 44 nasawi ay anim na junior officers na mga miyembro ng PNPAAAI na sina Senior Inspectors Ryan Pabalinas, PNPA Class 2006; Jo Tabne at Cyrus Aniban, pawang ng PNPA Class 2010; Rene Tyrus, ng PNPA Class 2011; Max Tria at John Garry Arana, ng PNPA Class ng 2009.
Si Arana ay nagtapos bilang baron o unang kapitan, lider ng kanilang klase.
Anim naman ang napaslang na MILF rebels na sinasabing matinding nakasagupa ng SAF at lumapastangan sa bangkay ng ilan sa mga ito na tinadtad ng taga at pinutulan pa ng mga bahagi ng kanilang katawan matapos hubaran.
Sinabi rin ni Rentoy na ang kanilang samahan ay nagsasagawa ng sariling imbestigasyon at nais nilang isa sa nagtapos sa PNPA ay mapabilang sa Board of Inquiry na binuo ni DILG Sec. Mar Roxas sa Mamasapano massacre.
Determinado ang PNPAAAI na sampahan ng kasong kriminal ang mga responsable o nasa likod ng pag-uutos sa ‘special operation’ upang arestuhin sina Jemaah Islamiya (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan at Basit Usman, lider ng Abu Sayyaf na sinanay sa terorismo ng JI.