Erap: MILF hindi mapagkakatiwalaan
MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada na hindi mapagkakatiwalaan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sinisisi rin nito sa pagkamatay ng 44 pulis ng Special Action Force (SAF).
Ayon kay Estrada, hindi maaaring sabihin ng MILF na isolated ang insidente sa pagitan ng mga pulis at SAF sa Tukanalipao village samantalang alam nilang makakaapekto ito sa isinasagawang peace talks.
Sinabi ni Estrada na ginagawa naman ng pamahalaan ang lahat ng posibleng solusyon subalit patuloy pa rin sa kanilang marahas na hakbang ang MILF. Aniya, marami nang buhay ang nawala sa patuloy na umano’y panloloko ng grupo sa pamahalaan.
Bagama’t ayaw niyang magbigay ng payo kay Pangulo Aquino, dapat din umano nitong isipin at pag-aralan ang sitwasyon.
Hiniling nito sa publiko na ipagdasal ang Pangulong Aquino at magkaroon ng tamang desisyon upan ma-neutralized ang MILF. Hindi na dapat pang hintayin ng Pangulong Aquino na may buhay pang masasakripisyo.
Aniya, masyado umanong pinaiikot ng MILF ang pamahalaan sa kanilang kagustuhan. Sila ang dapat na sumunod sa pamahalaan at hindi ang pamahalaan ang susunod sa kanila.
“Kung hindi makuha sa santong dasalan, kunin sa santong paspasan,” ani Estrada.
- Latest