MANILA, Philippines — Tinanggal muna sa pwesto ang pinuno ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) kasunod ng pagkakasawi ng 44 niyang tauhan sa Maguindanao nitong kamakalawa.
Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Manuel "Mar" Roxas II na tinanggal muna sa pwesto si Director Getulio "Leo" Napeñas Jr. habang gumugulong ang imbestigasyon sa engkwentro ng PNP-SAF sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon sa mga ulat, tapos na ang misyon ng mga pulis kontra kay Malaysian bomb-maker at Jemaah Islamiyah operative Zulkifli bin Hir nang atakihin sila ng MILF.
Sa pag-atras ng mga tauhan ng PNP-SAF ay napunta naman sila sa kuta ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, na pawang mga dating miyembro ng MILF.
Napaligiran ang mga pulis at naubusan umano ng bala kaya napaslang ng mga rebelde.
Si SAF Deputy Director Chief Superintendent Noli Taliño ang uupo sa pwesto ni Napeñas bilang pinuno.