MANILA, Philippines – Hindi naipatupad ng Office of the Senate Sergeant at Arms (OSAA) ang arrest at detention order laban kay Makati City Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. at limang iba pa matapos ma-contempt kaugnay sa ilang beses na pang-iisnab sa hearing ng Senate Blue Ribbon sub-committee sa imbestigasyon ng diumano’y overpriced na Makati City Hall Parking Building.
Ipinaliwanag ni Senate Sergeant-at-Arms retired Major General Jose V. Balajadia Jr. na kailangan pa nilang hintayin ang desisyon ng Senate Committee on Rules matapos na kuwestiyunin ni Senate Minority Leader Vicente Sotto ang quorum ng mga senador na nagdesisyon tungkol sa contempt. Iginiit naman ni Senate President Franklin Drilon na dapat din munang dumaan sa kanya ang nasabing kautusan dahil ang tanggapan niya ang nagpapatupad ng detention order.
Tanging sina Senators Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, Senator Aquilino “Koko” Pimentel, chairman ng sub-committee at Senator Antonio Trillanes IV ang dumalo sa hearing kung saan pinagdesisyunan ang pagpapa-contempt kina Mayor Binay.
Bukod kay Binay pinatawan rin ng contempt at nais ipakulong sa Senado sina Bernadette Portollano, Atty. Eleno Mendoza, Ms. Eduviges Ebeng Baloloy, Marjorie de Veyra, at Engineer Line Dela Pena.
Samantala, inihayag naman ni Binay na handa siyang sumuko at ipaglalaban niya ang kanyang prinsipyo laban sa aniya’y pamumulitika ng Senado.
Aniya, sa umpisa pa lang ng pagdinig sa isyu ng Makati City Hall Bldg. 2, nagkusa na siyang humarap sa Senado sa kabila ng mga payong huwag siyang magpunta, sa pag-asang magkakaroon ng linaw ang usapin sa umano’y pagkakasangkot niya sa usapin ng overpricing.
Pero nalungkot si Binay na kahit siya ay isang resource person ay itinuring siyang parang akusado at hindi naging patas ang pagtatanong at hindi binibigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag ng maayos.
Tahasang binatikos ni Binay sina Senador Alan Peter Cayetano, Sonny Trillanes at Coco Pimentel sa pagiging bias at halatang namumulitika. “Kahit minsan ay hindi ko naisip na kalabanin ang Senado,” ani Binay. Pinuna ni Binay na ang lahat ng nag-aakusa sa kanya ay pawang walang ebidensya.
At kahit ilang beses silang nagsinungaling, kailanman ay hindi sila sinita ng Senado. “Dapat sana ay alamin muna ng mga Senador ang record ng mga taong ito,” dagdag ni Binay.