MANILA, Philippines – Umapela si Buhay partylist Rep. Lito Atienza kay House Speaker Feliciano Belmonte na parusahan na ang mga absenerong kongresista.
Sinabi ni Atienza na dapat ng tapusin ang problema sa mga pala-absen na kongresista sa sesyon dahil sagabal ito sa deliberasyon at agarang pagpapatibay ng mga resolusyon at panukalang batas.
Dahil dito kaya nagmungkahi ang kongresista ng mga maaaring ipataw na parusa sa mga kapwa niya mambabatas na tamad dumalo ng sesyon.
Kabilang na rito ang regular na paglathala ng pangalan ng mga pala-absent na kongresista sa iba’t ibang mga pahayagan at ipitin ang kanilang sahod o benepisyo para mapuwersa ang mga ito na pumasok.
Ang mga mungkahi ni Atienza tulad ng “shame campaign”, “no work, no pay” o “no work, no pork” sa mga nagdaang kongreso na may sakit na absenteeism ay wala ring nangyari.
Gayunman, iniligtas naman ni Atienza si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa ganitong parusa dahil palagi naman umano itong nagbibigay ng karangalan sa bansa.
Matatandaan na si Pacquiao ay isa sa may pinakamababang attendance record sa 16th Congress kabilang din sina Negros Occidental Rep. Jules Ledesma, Pampanga Rep. Gloria Arroyo at Lanao del Nort Rep. Abdullah Dimaporo.
Si Arroyo at Dimaporo ay parehong naka-hospital arrest, ang una ay dahil sa kasong plunder habang ang huli ay sa kasong malversation of public funds.