MANILA, Philippines - Nagbabala na kahapon si Sen. Teofisto “TG” Guingona III kay Makati Mayor Junjun Binay na magpakita na sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee tungkol sa diumano’y overpriced na Makati City Hall Building II upang maiwasan ang pagkakulong dahil sa posibleng pagpapataw ng contempt ng komite.
Sa pahayag ni Guingona na ipinadala sa media na may titulong “Huling panawagan kay Mayor Junjun Binay: Sundin ang utos ng Senado”, sinabi ng senador na ito na ang huling panawagan niya sa nagmamatigas pa ring mayor ng Makati na magpakita sa Senado.
Muling hindi sinipot ni Binay at ng iba pang opisyal ng Makati ang ika-13 pagdinig kamakalawa ng Blue Ribbon sub-committee.
Ayaw umano ni Guingona na magpalabas pa siya ng kautusan para ipaaresto si Binay at mga kasama nito.
“Ginagawa ko ang huling panawagang ito sa pagnanais na maiwasan ang isang sitwasyon na kakailanganin nang Blue Ribbon Committee na maglabas ng utos para sa pag-aresto kay Mayor Binay at mga kasama niya,” ani Guingona.
Nilinaw din ni Guingona na may patakaran ang Senate Blue Ribbon Committee laban sa mga taong hindi dumadalo sa pagdinig.
“Nasa kapangyarihan ng Committee na ipag-utos ang pag-aresto at pagkukulong sa mga taong lumalabag dito,” babala ni Guingona.
Umaasa si Guingona na hindi na hahantong sa pagpapakulong kay Binay at mga kasama nito ang ginagawang pagmamatigas na hindi dumalo sa pagdinig sa Senado.
Tiniyak ni Guingona na ito na ang huli niyang panawagan kay Binay at umaasa siyang papayuhan ito ng kanyang mga kaibigan at mga kasama kung ano ang nararapat na gawin.
Nakatakdag mag-usap sa Lunes ang Blue Ribbon Committee para magpasiya sa susunod nitong hakbang.
“Umaasa ako na sa pagkakataong iyon ay nakagawa na ng tamang tugon si Mayor Binay,” pahayag pa ni Guingona.