MANILA, Philippines – Nasa 500 street children kasama ang kanilang pamilya ang pinadala sa isang resort sa Batangas noong limang araw na bisita ni Pope Francis sa bansa.
Ayon sa isang ulat sa telebisyon, lulan ng 10 bus ang mga batang kalye nang dumating sa Chateau Royale Resort sa Nasugbu, Batangas noong Enero 14.
Kumuha ng 70 kwarto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga batang kalye mula sa lungsod ng Pasay, Manila at Parañaque.
Nagkakahalaga ng P6,300 ang bawat kwarto kada gabi ngunit nakuha lamang ito ng DSWD sa halagang P4,000, ayon sa ulat ng dzMM.
Dagdag ng ulat na may 100 kawani ng DSWD ang nasa resort din upang asikasuhin ang mga pamilya.
Nag-check out sa resort ang mga pamilya noong Enero 19, ang huling araw ni Pope Francis sa bansa.
Nilinaw ni Soliman sa dzMM na hindi nila itinago ang mga batang kalye.
"Hindi po natin sasabihing itinatago natin sila dahil nga andyan lang ho sila, hindi sila lahat nasama."