Parking ng malls, iskul hiling ipagamit sa mga deboto

MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa mga pamunuan ng unibersidad, kolehiyo at shopping mall na malapit sa Rizal Park na payagan ipagamit ang kanilang parking areas para sa mga motoristang dadalo sa idadaos na banal na misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand sa Rizal Park sa Linggo (Enero 18).

Ang panawagan at pakiusap ni Tolentino ay kaalinsunod na rin sa inaasahang milyong taong dadalo sa banal na misa ni Pope Francis.

Sinabi ni Tolentino, maari rin naman kahit pagbayarin na lamang ng minimal fee ng mga unibersidad at kolehiyo ang mga motoristang gagamit ng kanilang mga parking area.

Partikular na tinukoy ni Tolentino ang unibersidad sa Manila tulad ng Adamson University, Santa Isabel College, Philippine Women’s University (PWU), Techno­logical University of the Philippines (TUP) at St. Scholastica College at iba pa. 

Bukod sa mga paaralan, pinakiusapan na rin ni Tolentino ang mga malalaking malls tulad ng  SM City sa  Aroceros St. at Robinsons’ Ermita na ipagamit ang kanilang parking areas.

Sa taya ng mga awtoridad, aabot sa anim na milyong katao ang inaasahang dadalo sa idadaos na banal na misa at nais na makita ang Santo Papa.

Show comments