MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang na itinatago nito kay Pope Francis ang tunay na kalagayan ng mahihirap na Filipino.
Ito’y matapos sabihin ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary-General Renato Reyes na sa paglalatag ng matinding seguridad sa Papal visit, hindi makikita ng Santo Papa ang kabuuan ng problema ng bansa tulad ng kahirapan, katiwalian at paglabag sa karapatang pantao.
Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, walang batayan ang akusasyon lalo’t mismong ang Simbahan at hindi ang pamahalaan ang pumili ng mga taong makakaharap at makakausap ni Pope Francis.
Sinabi ni Coloma na kailangan ang paglalatag ng matinding seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng Santo Papa.
Samantala, pinag-aaralan pa ng Malacañang kung ‘papatayin’ nito ang signal sa cellphones sa mga lugar na may aktibidad si Pope Francis upang masiguro ang kaligtasan nito.