MANILA, Philippines – Sugatan ang deputy chief ng Manila Police District-station 2 nang saksakin ng gunting sa leeg ng isang lalaking ‘high’ umano sa iligal na droga sa mismong gate ng bahay nito, sa Tondo, Maynika,kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na kinilalang si MPD-station 2 deput chief, C/Insp. Roberto Mupas, 36, ng Tondo ay kasalukuyang ginagamot sa hindi binanggit na ospital bunga ng tinamong sugat sa kaliwang bahagi ng leeg.
Arestado naman ang suspek na si Dennis dela Rosa, 22, residente ng Pinoy st., Tondo.
Sa ulat ni SPO3 Eric delos Arcos, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang pananaksak sa mismong harapan ng gate ng tahanan ng pulis.
Ayon pa sa ulat, tinatawag umano ng suspek ang biktima, na habang nasa labas ng gate ay nagsasabi umano na ipasok ng trabaho ang kaniyang asawa.
Dahil nahalata umano ni Mupas na nasa impluwensiya ng iligal na droga ang suspek, hindi umano nito pinansin ang sinasabi ng suspek.
Nagalit umano ang suspect sa pagbalewala sa kaniya ni Mupas kaya mabilis na nilapitan at inundayan sa leeg ng hawak na gunting at naagapan naman ng biktima ang ikalawang atake o pagtarak sa kaniyang leeg nang sanggain ang kamay.
Ipinagharap na ng reklamong attempted murder ang suspek na nakapiit sa MPD-station 2 detention cell.