MANILA, Philippines – Wala umanong magagawa ang pamahalaan sa pagtaas ng singil sa tubig dahil kailangan nitong sumunod sa kontratang nilagdaan nito lalo na sa mga kasunduang pandaigdig.
Ito ang idineklara kahapon ni Sen. Serge Osmeña na nagsabing posibleng masira umano ang reputasyon ng Pilipinas sa international business community kung ang mga kontratang nilagdaan nito ay papalitan ang nilalaman at nakasaad sa pinagkasunduan noong pirmahan ito.
Wala rin anyang magagawa ang pamahalaan para pigilan ang Maynilad at Manila Water sa ipatutupad na dagdag singil sa tubig ng mga nasabing kumpanya.
Ayon sa senador, may desisyon na umano ang International Chamber of Commerce (ICC) sa nasabing usapin at kinatigan nito ang Maynilad sa rate increase.
“Nakapagdesisyon na ang ICC na panalo ang Maynilad kaya kailangan nating sundin alinsunod sa kundisyones ng kontrata,” paliwanag ng senador.
Iginiit ni Osmeña na dapat sundin ang nilalaman ng kontrata sa pamamagitan ng Maynilad, Manila Water at Metropolitan Waterworks Sewerage System kung saan kabilang dito ang 10% dagdag singil sa tubig na epektibo ngayong taon.
Alinsunod sa desisyon ng arbitration panel, pinagtibay nito ang nilalalaman ng kontratang nilagdaan ng MWSS at Maynilad na ang pagtataas sa singil ng tubig ay ipatutupad sa loob ng 5 taong simula 2013 hanggang 2017 na kung saan ay naantala ng dalawang taon dahil sa pagnanais na palitan ang patakaran ng kontrata.