PARIS – Napatay sa pagsalakay ng security forces ng France nitong Biyernes sa isang print works ang dalawang magkapatid na sangkot sa pamamaril sa 12 katao sa opisina ng satirica weekly na Charlie Hebdo, ayon sa mga impormante sa pamahalaan.
Ayon naman sa pahayagang Le Monde, isang opisyal ng pulisya ang nagsabi na napatay din ang hostage taker sa isang hiwalay na insidente sa isang kosher supermarket sa eastern Paris. Pinaniniwalaang ang hostage taker ay konektado sa Al Qaida na kinabibilangan ng dalawang magkapatid na lalake. Ipinahayag naman ng sangay ng Al Qaida sa Yemen na iniutos nito ang pag-atake sa Charlie Hebdo para ipaghiganti ang karangalan ni Prophet Muhammad na madalas na target ng mga satirical cartoon ng naturang pahayagan.
Nagsimula ang drama nang pagbabarilin at mapatay ng magkapatid na Said at Cherif Kouachi ang 12 tao sa tanggapan ng Charlie Hebdo. Noong Huwebes, isang Amedy Coulibaly ang pumatay sa isang babaeng pulis sa katimugan ng Paris pero hindi tiyak ng pulisya kung meron itong kinalaman sa pamamaril sa Charlie Hebdo.
Natapos ang drama nitong Biyernes nang magkasabay na sinalakay ng mga awtoridad ang isang printing plant sa Dammartin-en-Goele sa hilagang-silangan ng Paris kung saan nakubkob nila rito ang magkapatid na Kouachi at ang supermarket sa Paris kung saan pinatay ni Coulibaly ang apat niyang hostage. Nagbanta pa si Kouachi ng dagdag na karahasan kapag hindi pinakawalan ang magkapatid.
Nagkaroon ng mga pagsabog at putok ng baril at makakapal na usok nang paligiran ng mga security forces ang dalawang lugar hanggang mapabalitang patay na ang tatlong suspek. Nakalaya ang 16 na hostage.
May kaugnayan umano sa isa’t-isa ang tatlong suspek at maraming taon nang sangkot sa mga terorismo na umabot mula sa Paris hanggang sa Al-Qaida sa Yemen.
Pagkatapos ng pamamaslang sa opisina ng Charlie Hebdo, nakipaghabulan sa pulisya ang magkapatid na Kouachi sa northeastern France, hinoldap ang isang gasolinahan, nagnakaw ng kotse bago nakubkob sa isang printing plant sa Dammartin-en-Goele malapit sa Charles de Gaulle airport.
Pinasok naman ni Coulibaly ang kosher grocery malapit sa Porte de Vincennes neighborhood at namaril at nakapatay ng apat na tao. Ilang tao ang nasugatan pero nagawang makalabas sa grocery. Ayon kay Coulibaly, siya at ang magkapatid ay kasapi ng militanteng Islamic State group.