MANILA, Philippines - Hindi iaatras ni Pangulong Aquino ang ipinatupad na taas-pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Sinabi ng Pangulo sa isang ambush interview sa pagdalo sa inagurasyon ng bagong gusali ng Romblon Provincial Hospital, na hindi magbabago ang kanyang desisyon. Iginiit ni PNoy na ito ang makatwiran at mapupunta sa pagpapabuti ng serbisyo ng mga tren ang pagtaas ng pasahe.
Sinabi rin ng Pangulo na hindi dapat reklamo kundi dapat mag-alok din ng solusyon ang mga kritiko ng ipinatupad na fare hike sa MRT at LRT.
Mahalaga anya ang pag-aalok din ng solusyon upang mas mabuting matugunan ang problema ng mass transport system kaysa puro batikos.
Aniya, dahil sa ipinatupad na fare hike sa MRT/LRT ay nakapagbawas ng P2 bilyong subsidy ang gobyerno sa nasabing train system. Marapat lamang umano na itaas na ang pasahe dahil makailang ulit na itong ipinagpaliban.