MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang conviction ng Manila tour guide na si Carlos Celdran dahil sa pang-iistorbo ng ecumenical service sa Manila Cathedral noong September 2010 matapos maglabas ng placard na may nakasulat na “Damaso.”
Ang pangalang Damaso ay mula sa nobela ni Dr. Jose Rizal na tumutukoy sa isang paring abusado at may masamang pamumuhay.
Batay sa resolusyong isinulat ni CA Associate Justice Carmelita Salandanan Manahan, ibinasura ng korte ang apela ni Celdran na humihiling na baliktarin ang desisyon ng Manila Regional Trial Court.
Sinabi ng appellate court na guilty ang tour guide sa “offending religious feelings” na pinoprotektahan umano ng batas.
Dismayado naman si Celdran sa kinahinatnan ng kaso, pero handa raw siyang magpakulong.
Sa Facebook post nito ngayong araw, nagbigay ito ng mensahe para kay Pope Francis na dadalaw sa ating bansa sa susunod na linggo.