Flights sa NAIA sa Papal visit limitado

MANILA, Philippines – Inabisuhan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang lahat ng mga pasaherong aalis ng bansa na makipag-ugnayan sa mga kinatawan ng airline companies na kanilang sasakyan dahil limitado ang paglipad ng mga eroplano sa NAIA simula sa Enero 15 at 19 sa pagdating ni Pope Francis sa bansa.

Sinabi ni Connie Bungad, MIAA spokesman, maaga pa ay ipinagbigay alam na nila sa lahat ng mga pasahero na walang maaring lumipad na eroplano sa pagdating ng Santo Papa simula 2pm-7pm ng Enero 15 at 6am-10:30 am ng Enero 19, 2015 sa pag-alis nito.

Ayon kay Bungad, dapat makipag-ugnayan na sila sa mga kumpanya ng eroplanong sasakyan nila para hindi sila maghintay ng matagal sa paliparan dahil nag-abiso na rin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng Notice to Airmen (NOTAM) sa lahat ng piloto hinggil sa suspensiyon ng lahat ng arriving flights sa NAIA sa mga araw at oras na nabanggit.

Ang departure flights ay tuloy sa Enero 15 at 19 kaya kailangan ang mga pasahero ay dumating nang maaga sa paliparan dahil ang mga kalye patungo sa mga paliparan ay isasara alas-3 ng hapon sa Enero 15 at sa Enero 19 ay alas-7 ng umaga.

Samantala, nag-anunsiyo na rin ang Cebu Pacific sa kanilang domestic at international flight schedule sa pagdating ni Pope Francis kaya pinababatid nila ang mga cancelled flight nila sa publiko.

Ang mga pasaherong maapektuhan ng mga cancelled flights ay puwedeng mamili ng araw sa kanilang gagawin pagbiyahe na walang kaukulang karagdagan sisingilin sa kanila. Maari nilang i-rebook ang kanilang flights 30 days sa orihinal na pag-alis nila o puwede silang humingi ng full travel fund o refund.

Show comments